Ang dami kong naririnig na hindi nila nagustuhan ang Outside dahil kulang daw sa zombies at puro drama lang. Unfair naman ‘yun. May ambisyon si Carlo Ledesma na gamitin ang zombies sa pag-highlight ng generational trauma, machismo, at toxic loyalty sa kultura ng mga Pilipinong pamilya. Kung titignan natin ang ibang zombie films tulad ng mga pelikula ni George Romero at ang mga modern zombie films at TV series, hindi naman naka-focus ang story nila sa mga zombie kundi sa mga taong pinipilit na mabuhay at hindi mahawaan. Dahil sa mga zombie, lumalabas kung paano kabait o kasama ang isang tao.
Pero sa totoo lang din, hindi ko rin masyadong nagustuhan ang Outside.
Hindi dahil sa kakulangan ng zombies. Tamang-tama lang sa paghalo ng thrill, kaba, at excitement ang mga scene kung saan tumatakbo, lumalaban, at pumapatay ang mga karakter para mabuhay. Sa simula pa lang, ipinakitang-gilas agad ni Ledesma kung paano bumuo ng nakakatindig-balahibo na zombie fight scene. May isa pa ngang eksena sa dulo ng pelikula kung saan napakagat talaga ako ng labi sa tindi ng nangyari.
Pero bakit hindi sa akin umubra ang Outside? Hindi kasi masyadong nagmarka ang mga mensahe at pananaw na gustong iparating ni Ledesma.
Ipinakita ng Outside kung paano nasisira ang isang pamilyang Pilipino dahil sa toxic na magulang. Haligi ng pamilya si Francis (Sid Lucero) at handa siyang isakripisyo ang kanyang kaligtasan para protektahan ang kanyang asawang si Iris (Beauty Gonzales) at ang kanyang mga anak na sina Joshua (Marco Masa) at Lucas (Aiden Tyler Patdu). Pero hindi lang ang mga zombie ang kalaban ni Francis. Kalaban niya rin ang kanyang trauma sa kanyang ama, ang nais ni Iris na makipaghiwalay sa kanya, at ang kagustuhan ni Joshua na pumunta sa kampo kung nasaan ang kanyang girlfriend. Kung tutuusin, kakampi pa ni Francis ang mga zombie dahil sila ang nagbibigay ng dahilan sa kanya para bakuran ang kanyang pamilya. Dahil kung wala ang mga zombie, sino ba talaga si Francis at bakit pa mananatili ang kanyang pamilya?
Walang masama sa intensyon ni Ledesma na mas i-focus sa family drama ang Outside. Kung tutuusin naman, ganun din ang ibang sikat na zombie media tulad ng The Walking Dead at The Last of Us. ‘Yun nga lang, sa running time nitong lagpas 2 hours and 30 minutes, salpak lang ng salpak ang Outside sa gusto nitong iparating pero wala namang tumatatak. Wala ring resolusyon ang ibang isyu tulad ng generational trauma ni Francis. Para saan pa ‘yun maliban sa character building, ‘di ba?
Ang mas malala pa dito, may mga parte ng pelikula na tumuloy lang dahil biglang naging tanga ang mga karakter. Matalino ang pamilya ni Francis sa kabila ng stress na dinadala nila sa kasagsagan ng apocalypse. Kaya nakaka-frustrate na nalaglag ni Iris ang kutsilyo na pwede niyang isaksak kay Francis. Nakakainis lang din ang nangyari sa ending dahil ang hirap paniwalaan na ganun ang magiging reaksyon ng isang karakter. Gets naman na nagpapatuloy ang horror stories dahil sa katangahan ng mga karakter pero kung ipinakilala sa atin ng pelikula na hindi sila bobo, para bang ininsulto ng Outside ang mga karakter nito.
Palabas na ang “Outside” sa Netflix. Ito ang kauna-unahang Filipino zombie film ng international streaming site.