Sa rebyu’ng ito ni Engelbert Rafferty, kaniya’ng sinuri ang pagka-hango ng pelikula ni Lav Diaz sa ekstra-hudisyal na pagpatay noong pamumuno ng dating presidente na si Rodrigo Duterte, at sa mga naiwang ala-ala ng pamilya ng mga biktima.
Umiikot ang mga kamay ng oras sa bawat segundong tumatakbo.
Sa loob ng isang araw, may mahigit walompung segundong pumapatak. At kaakibat ng pagpatak ng bawat segundo ay ang pagdanak ng dugo sa lansangan. Ayon sa RINJ Women, umaabot ng di kumukulang sa dalawampu’t limang katawan ang natatagpuang patay dahil sa ekstra-hudisyal na pamamaslang gawa ng ating gobyerno. Ang mga datos na natala ng RINJ Women ay nakalap noong 2019, habang ang ating Inang Bayan ay pinamumunuan ni dating presidente Rodrigo Duterte, kung saan ang sanhi ng pagpaslang ay upang labanan ang paglaganap ng ilegal na droga sa bansa. Binigyan ni pangulong Duterte ang sankapulisan ng kapangyarihan na ilagay ang batas at ang buhay sa kanilang mga kamay. Kaakibat din ng pagpatak ng bawat segundo ay ang pangungulila ng mga pamilya at kaibigan ng mga nabiktima, pagkat ang ibang mga biktima — lingid sa kaalaman ng nakararami — ay pawang mga inosente, mga walang kamalay-malay, mga walang kapangyarihan. Sakit na ng ating bayan noong unang panahon pa ang magluklok ng mga bwayang uhaw sa kapangyarihan, na hindi takot madungisan ang mga kamay para lamang makatikim ng gapiranggot na yaman.
Kung aalalahanin ang mga pelikula na isinapubliko ni Lav Diaz mula 2018, kapansin-pansin ang direktahang pagatake sa gobyernong mapanlinlang. Noong nakaraang taon lamang, ipinalabas ang pelikulang Kapag Wala Nang Mga Alon, kung saan binigyan ng pansin ni Lav ang dalawang pangunahing tauhan: si Hermes Papauran (na ginampanan ni John Lloyd Cruz) at si Primo Macabantay (na ginampanan ni Ronnie Lazaro). Parehas silang may kanya-kanyang pananaw, paniniwala, at pananampalataya. Parehas pulis. Parehas nababalot ng pagkakasala. Ngunit ang anyo ng kanilang mga katauhan, antas na kinabibilangan sa lipunan at estado ng natitirang maayos na pagiisip ay naiiba. Nakita natin silang parehas bilang tao, pero hindi kailanman ay naging anyong tao sila sa sine ni Lav. Si Hermes ay nabalot ng sakit – na maaaring dulot ng kanyang mga kakulangan, mga pagtataksil at mga inaksyon – habang si Primo naman ay nabalot ng galit – na maaaring dulot ng kanyang pagkakakulong, pagkakagapos, at pagkakahabag. Matalinong ipinresenta ni Lav ang dualidad ng mga may kapangyarihan sa ilalim ng gobyernong ‘di tapat at ‘di malaya.
Ipinagpatuloy ni Lav ang kwento ni Hermes, ngunit sa Essential Truths of the Lake (na pwedeng isalin na Mga Saligan ng Katotohanan ng Lawa), ipinakita nito ang kanyang paglalakbay sa mga bayang nakapalibot sa lawa ng Taal, Batangas bago ang mga kaganapan sa Kapag Wala Nang Mga Alon. Kahit na isa na siyang kilalang imbestigador at marami na siyang naresolbahang kaso, nananatili sa kanyang isip at mga panaginip ang pagkawala ng sikat na modelo at aktres na si Esmeralda Stuart (na ginampanan ni Shaina Magdayao). Walang nakakaalam sa pagkawala ni Esmeralda. Tila ba’y pumutok na parang bula ang pangalan at kasikatan nito sa isip ng madla. Ngunit ang mga ugong ng kanyang boses at ang paggamit ng plataporma upang mailigtas ang nanganganib na ibon – ang Agila — ay nanatili. Naging mala-mito ang pagkalaon ni Esmeralda: sikat at tinitingalaan ng nakararami, pinag-usapan ang mga maiinit na kontrobersya kung saan siya’y nasasangkot, hanggang sa humulas ang kanyang pagkatao sa utak at puso ng nakararami. Ang nananatili na lamang ay ang mga testimonya ng mga taong malapit sa kanya at ang kanyang mga obrang naiambag sa mundo ng moda at sining. Sa paghahanap ni Hermes ng katotohanan, binibigyan niya rin ng saysay ang kanyang kaugnayan sa gobyerno bilang isang pulis at ang pagintindi ng mga bagay na kaya niyang gawin, pati na rin ang mga bagay na hindi niya hawak sa kanyang mga palad.
Tatlong tanong ang iniungkat ni Lav habang isinasabuhay ng bawat gumagalaw na litrato ang mga espasyong nakapaligid sa siyudad at probinsya, ang mga tauhang di wangis ang budhi, at ang mga misteryong nababalot sa pagkawala ni Esmeralda. Ang unang tanong: hanggang saan nga ba umaabot ang kapangyarihan ng sankapulisan? Sinimulan ito ni Lav sa pagpapakita ng unang eksena, kung saan makikita na may natagpuang bangkay. Ang bangkay ay suot-suot na karatula na may mga salitang “pusher ako.” Makikita rito ang kawalan ng agarang aksyon mula sa kampo ng mga pulis, habang may isang pamilyang naghihinagpis sa gitna ng gabi, umuungol ng hustisya para sa kanilang inosenteng mahal sa buhay. “Wala siyang kasalanan.” “Di niya yun kayang gawin.” Pamilyar ang mga adhikaing ito pagkat ito rin ang mga sinambit at patuloy na isinasambit ng ating mga kababayang nabiktima ng putang inang giyera laban sa droga. Sa sumunod na eksena, makikitang kausap ni Hermes ang kanyang kaklase na nagkataon ay kanya ring among Kolonel (na ginampanan ni Agot Isidro). Kagagaling lamang ng kolonel sa sakit na norovirus. Hindi natin alam kung ano ang mga sintomas na kaakibat ng pagkakaroon ng sakit na ito, ngunit alam natin na malala ang mga epekto nito sa katawan batay sa mga sinambit na salita ng kolonel. Habang isinisigaw ni Hermes ang kanyang manipesto para sa sankapulisan, nakikinig lamang ang Kolonel. Nagsasalita naman ang amo, ngunit alam ng amo kung hanggang saan lamang ang kaya nilang tugunan at anong karakter ang kaya nilang gampanan sa gobyerno. Kung tutuusin, ang perspektibong ipinapakita nito sa simula pa lamang ay napakatalunan. Ipinapahiwatig ba nito na ang mga pulis – na ibinibida lagi ng gobyerno bilang simbolo ng kapayapaan at karapatan – ay patuloy na nilalamon ng kanilang karuwagan? O baka naman pinipili nga nilang sundin hindi ang sigaw ng taumbayan kundi ang sigaw ng mga nasa itaas, ang mga siyang tunay na nasa rurok ng kapangyarihan?
Ang ikalawang tanong: paano nga ba reresolbahan ang isang suliranin na halos dekada nang sinusubukang hanapan ng solusyon ngunit talagang wala nang patutunguhan? Makikita si Hermes na paikot-ikot sa iilang bayan na nakapalibot sa lawa ng Taal. Habang ginagalugad ni Hermes ang bawat sulok ng kada bayan, makikitang kinakausap niya ang mga taong mistulang konektado sa pagkawala ni Esmeralda. May isang direktor na naglelektura sa isang bayan patungkol sa karapatang pambabae. May isang mananahi na tila ba’y sumasakay sa pamanang sosyopolitikal ni Esmeralda gamit ang isang “muling pagtingin” sa mga tagumpay na nakamit ng batikang modelo. At may isang ilustrado na sinasabing nakasama ni Esmeralda sa kanyang huling “sayaw” bago tuluyang maglaho kung saan man. Makalipas naman ang ilang taon, sa pagpatak ng pagputok ng bulkan noong 2020, bago makulong ang sambayanan gawa ng pandemya ng COVID-19, iba na namang tao ang ating makikilala. Lahat ay iba-iba ang motibo, iba-iba ang mga pagkakaintindi ukol sa pagkawala ng katawan ng modelo. Lahat ay maaaring di mapagkakatiwalaan. O kung katiwa-tiwala man sila, wala silang alam tungkol sa pagkawala ng aktres. Kung aalalahanin ang mga turo sa atin ng kasaysayan at agham panlipunan, ang mga bugtong at kwentong-bayan ay galing sa mga patuloy na pagsalin ng mga salita gamit ang bibig at pagpapasa-pasa ng mga istorya sa kada tao. Ito ang dahilan kung bakit iba-iba ang salin ng mga alamat, mito at kung ano pa man kada rehiyon, kada lugar. Paikot-ikot na lang, pagala-gala na lang. Ngunit tama ba ang iniikutan? Tama ba ang ginagalaan? O baka naman papunta lamang si Hermes sa mundo ng kawalan.
Ang ikatlo’t huling tanong: hanggang saan ba kayang dalhin ang tao ng kanilang mga pananaw at pinaniniwalaan? Sa Kapag Wala Nang Mga Alon, itinanong si Hermes kung paano niya iimbestigahan ang Diyos kung tunay nga siyang pinakamagaling na imbestigador ng bayan. Kailan man ay hindi itinuring ni Hermes ang kanyang sarili bilang isang tagapagligtas ng sambayanan, a la Bernardo Carpio. Kailan man ay hindi niya rin sinabing malinis ang kanyang konsensya, pagkat hinayaan niyang mabalot ng korapsyon ang sankapulisan, kung saan siya’y nakabilang. Ngunit kahit niya alam niyang nag-iisa lamang siya at ang lahat ng tao sa likod niya ay umaabante na, binabalikan niya pa rin ang nakaraan at itinatama ang mga maling naidulot ng kanyang kakulangan ng aksyon. Dito nakasentro ang kwento ng Essential Truth of the Lake: isang pagbalik sa nakaraan ng isang tenyenteng inaayos ang gusot na nakalamat sa habi ng bayan dulot ng nakaraan. Ipinapakita ng pelikula na bago pa tuluyang mabalot ng sakit ang katawan ni Hermes, ginawa niya ang kanyang makakaya upang solusyonan ang mga kamaliang naidulot ng mapanlinlang na sistema sa taumbayan. Pasan ni Hermes sa kanyang likod ang buong sankapulisan habang ginagalugad niya ang kabuuan ng lawa ng Taal, at kaakibat ng pagpasan nito ay ang pagdiskubre ng mga katotohanan.
Hindi bayaning maituturing si Hermes, pagkat hindi niya kayang labanan mag-isa ang sistema at umasa sa pananaw. Hindi niya kayang pigilan ang pagsabog ng bulkan na siyang pipinsala sa karamihan sa ating mga kababayan. Hindi niya kayang pigilan ang pagusbong ng pandemya na siyang kukulong sa ating kapwa Pilipino sa ating bansa. Hindi niya kayang bigyan ng lunas ang sakit na nakabaon sa mga makrosistemang patuloy iniaagnas ang Inang Bayan, gaya ng korapsyon, kapitalismo at karahasan. Hindi niya kayang talunin ang mga taong nakaluklok sa tugatog ng kapangyarihan, na naghahari-harian para sa kanilang pansariling hangarin. Tao lamang siya. Isang taong puno ng pananaw. Isang taong puno ng paninidigan. Isang taong puno ng tapang. At ang lahat ng pananaw, paninindigan at tapang nito ay pwedeng maglaho na parang bula – gaya ng nangyari kay Esmeralda Stuart – dahil sa mga saligan ng katotohanan ng ating mundo.
Ipinipinta ng pelikula na ang isang pulis ay pwedeng maging tao. Sinusubukan ba nitong sabihin na hindi masama ang sankapulisan? Hindi. Binibigyan lamang nito ng kulay ang katotohanan na bilang tao, may mga bagay na kaya tayong gawin at may mga bagay na labas sa ating mga kamay. Maraming nagsasabi na masyadong ginawang tao ang karakter ni Hermes. Pero posible ba ang ideya na ang karakter ay “masyado ginawang tao” kung ang bawat indibidwal sa mundo ay kakaiba ang paninindigan, pananaw, at pag-iisip? Minsan, kailangan nating maalala na tao tayo upang maintindihan ang isa’t isa. Minsan, kailangan nating maalala na tao tayo upang mailathala ang ating mga naabot at pagkukulang sa mundo. Minsan, kailangan nating maalala na tao tayo upang mas maintindihan pa ang karanasang ng kada isa, pagka’t ang mga karanasang ito ay puno ng halaga. Ang trabaho natin bilang manonood ay tumawa, umiyak, makaramdam ng emosyon sa kwentong ating pinapanood. Ang trabaho natin ay ang intindihin ang mga suliraning kinahaharap ng mga kwentong isinasabuhay ng kada paggalaw ng litrato sa pinilakang tabing. Ang trabaho natin ay buksan ang ating mga mata, at ang paggawa ng aksyon laban sa mga katotohanang di natin kayang hawakan mag-isa. At sa pagbukas natin ng ating mga mata, baka sakaling makamit natin ang tunay na pagbabago.
Umiikot pa rin ang mga kamay ng oras sa bawat segundong tumatakbo. Ano ang gagawin mo?
Ang pelikulang ito ay napanood namin noong QCinema International Film Festival 2023