Sa panahon ngayon, hindi lang sapat na ang ating mga pelikula ay produkto ng malikhaing paggawa. Hamon din sa mga alagad ng midya, artista, at filmmakers na maging salamin ang kanilang mga akda at katha ng katotohanan. Isa si Direk Jay Altarejos sa mga premyadong manunulat at direktor na patuloy na tumatanggap sa hamong ito.
Noong huling Sabado, Agosto 22, muling nagsama-sama ang komunidad ng indie films upang ipagdiwang ang 15 taon ng paggawa ni Altarejos ng mga pelikula. Sa pamumuno ng 2076 Kolektib, isang progresibong grupo ng media practitioners, ay naglunsad ng film screenings at talakayan sa Mowelfund Film Institute upang magbalik-tanaw sa paglalakbay di lamang ni Direk Jay kundi ng kanyang mga pelikula’t mga karakter nito.
Una akong naging pamilyar sa mga pelikula ni Direk Jay dahil sa Kasal (2014), isa sa mga full-length films in competition ng Cinemalaya 10, na nag-uwi rin ng apat na Balanghai: Best Cinematography, Best Production Design, Best Original Music Score, at Best Film, for “its deeply sensitive and moving depiction of the intricacies of relationships”. Hindi maikakailang isa ito sa mga pinamakabuluhang pelikula ng festival nitong mga nakaraang taon.
Maliban dito, ilang mga pelikula pa ni Altarejos ang nakakamit ng mga parangal tulad ng Ang Lihim ni Antonio (2008), Pink Halo-Halo (2010), Unfriend (2014), Tale of the Lost Boys (2017), T.P.O. (2016), na sumali pa sa ibang mga film festivals tulad ng Berlin International Film Festival, Philippines Golden Screen Awards, Serile Filmului International Film Festival, Gawad Tanglaw, at Sinag Maynila.
Nagbigay-silip din ang direktor sa mga kasalukuyan nilang proyekto: Finding Daddy Blake, Pamilya sa Dilim, at The Longest Night.
Ipinalabas din ang Walang Kasarian ang Digmang Bayan (2020), isang pelikulang produkto ng pandemya, at habang nakararanas ang bayan ng karahasan, kasinungalingan, at pagpapatahimik ng estado sa mga nangangahas gamitin ang sining upang tuligsain ang mga suliraning ito. Ngunit maging si Direk Jay Altarejos ay naniniwalang hindi sapat ang sining para sa suliranin ng sambayanan.
Behikulo lamang itong maituturing, at mapapawalang saysay ito kung mananatili lamang ang rebolusyon sa pinilakang tabing.