Ang “Lost Sabungeros” ay ipinalabas noong Nobyembre sa QCinema International Film Festival 2024.
Nitong nakaraang Agosto, naging kontrobersyal ang pag-kansela ng Cinemalaya sa pagpapalabas ng dokumentaryong Lost Sabungeros. “For security reason” ang tanging iniwang dahilan ng nabanggit na film festival kaya hindi natuloy ang screening ng dokyu.
Makalipas ang ilang buwan, inansuyo ng QCinema na bahagi ng special screenings ang “Lost Sabungeros” kaya naman marami ang gustong makapanood nito. Kilalang direktor at producer ng TV documentaries tulad ng mga programang I-Witness, The Atom Araullo Specials at Brigada ng GMA Public Affairs si Bryan Brazil. Kadalasan mga gritty stories ang na-assign sa kanya. Gumawa din si Bryan ng mga documentaries sa film festivals tulad na lamang ang “In the middle of the night” noong 2017 na nagwagi biglang best short documentary sa Gawad Alternatibo. Ang nasabing short docu ay tungkol sa mahabang coverage ng EJK noong 2016.
Samantalang ang kanyang docu na “My little dancing shoes” ay ipinalabas naman noong 2019 sa Cinemalaya. Sa sumunod na dokyu naman, sinundan ang buhay ng dalawang batang naging bahagi ng dance sport at kung paano sila binago at hinubog ng napiling palaro. Mala-Boyhood ang istilo ni Brazil dahil sa story development ng dalawang bata.
Kaya naman mas nakakaenganyong mapanood ang kanyang dokyu na “Lost Sabungeros” dahil bihasa at batikan si Brazil sa paggawa ng dokyu. Sa una, ang concern habang pinapanood ang dokyu ay baka magmistula itong rehash sapagkat unang gumawa ng segments tungkol sa mga nawawalang sabungero ang Kapuso mo, Jessica Soho.
Umere ang mga istorya sa mga sumusunod na petsa:
Pebrero 6, 20, at 27, 2022;
Marso 13 at 27, 2022
at Hunyo 19, 2022.
(Mapapanood ang mga episodes na ito sa Youtube Channel ng KMJS dito)
May mga materyal na ginamit sa dokyu na makikita din sa segments ng programa tulad ng mga CCTV footages, sitners at stylize shots para magsilbi ding gabay. Ngunit hindi naman tayo binigo ni Brazil dahil iba ang kanyang treatment sa “Lost Sabungeros”.
Kung sa programang KMJS, ang mga case studies na 30 mahigit sabungerong nawawala ay kabilang sa kwento o segment na nakalaan para sa kanila. Sa dokyung ito naman ay tumutok o mas binigyang diin ang story development ng tatlong case studies na kumakatawan o representative sa mga klasipikasyon ng mga nawawalang sabungero at ang miyembro ng kanilang pamilya na sa kanilang panayam ay nabigyan tayo ng ideya sa kanilang buhay.
Sa dokyu, Si Claude ang nagsilbing representasyon ng mga biktimang nadamay o napahamak dahil napunta sa venue ng sabong. Ang binata ay nag-presenta sa kanyang ama para makatulong sa pamamagitan ng pagmamaneho ng kanilang sasakyan. Si Butch ang kanyang ama na nakapanayam ng team. Si Jonjon naman ang tinaguriang master agent na nagsisilbi ring financer. Siya naman ang kumakatawan sa mga nawawala na may alam sa ikot at transaksyon sa sabong. Si Cess na kanyang partner ang nakapanayam naman ng team na representative ni Jonjon. Samantalang si Edgar ay kagawad na may koneksyon sa sabong. Si Ederlyn at ang kanyang ina ang kinausap ng team tungkol kay Edgar.
Sa humigit kumulang dalawang oras na dokyu, sa pagpili sa kumakatawan sa klasipikasyon ng mga nawawalang sabungero ay nalimitahan ito upang mas bigyang pansin ang mga detalye na hindi naipalabas sa programa sa telebisyon. Dahil dito, ang mga nakakakilabot na impormasyon ay mas matapang na nailatag. Mas nagbigay bigat sa daloy ng paglahad ng kwento ang whistleblower.
Pulido ang teknikal na aspeto ng dokyu. Metikuluso ang pagpili sa mga musika at tunog na ginamit dito kaya ramdam ang sense of foreboding sa pag-unfold ng revelation at mga natutuklasang impormasyon. Mahusay ang editing dahil mas mapapakapit ka pa sa mga sunod-sunod na detalyeng inilalatag ng dokyu.
Re-enactments ang ginamit sa mga paglalarawan sa eksenang pagdukot habang animation naman ang ginamit sa mga detalyeng bayolente.
Hindi maiiwasan na may mga awkward na nakakatawang bahagi sa dokyu subalit mapapaisip ka tulad sa sinabi ni Cess na partner ni Jonjon na meron daw nag-tip sa kanya kung nasaan ang kanyang kinakasama pero kailangan niya munang magpadala ng “nudes”.
Malaki ang tulong ng mga researchers sa pagsasaliksik ng mga impormasyong nalikom sa docu. Hindi biro ang paghahanap ng impormasyon lalo’t may mga nasasangkot na kilalang personalidad dito.
At sa direktor naman, mahusay ang kanyang mga desisyon kung paano ang takbo at paglatag sa paglahad ng kwento at mga impormasyon.
I sympathize with the relatives of the lost Sabungeros even those people na nadamay in connection with sabong. Ngunit, hindi maiwasang magkaroon ng gray area dahil alam nating mali ang anumang uri ng pagsusugal tulad ng sabong. Hindi pinapanigan ang isang opisyal na may panayam sa dokyu ngunit may punto siya na sa hirap ng buhay ay isa ang sabong sa paraan para kumita ang isang tao.
Gayunpaman, alam niya ang ilang estado ng buhay ng mga sabungero na ito at siya mismo ang nasa gobyerno. Naiwasan sana ito kung ang kinauukulan ang nagbibigay ng maayos na trabaho para sa kanila.
Sa huli, nakakalungkot na may umurong sa kaso kahit pa sa naunang sinabi ng isang kamag-anak na hindi sila susuko sa paghahanap ng hustisya kahit pa alukin sila ng malaking halaga. Maaaring hindi natin alam kung sa pagbigay sa kanila ng malaking pera para manahimik ay may kasama ng threat or pananakot.
Tulad ng ibang pamilya sa dokyu, mapapaisip ka pagdating sa hustisya dito sa ating bansa. Nababase ng ba sa antas ng buhay ang pagkamit sa hustisya?